Heart of Autumn

Heart of Autumn sinubukan kong iguhit sa tala ang pangalan mo, pero binura na ng hangin ang pag-ibig at ang kahulugan nito.

Posts tagged tula

Patungo sa iyo

Sa natitirang awa at hiya sa sarili

Muli mong ibinangon at tinagpi-tagpi ang iyong dangal

Hilam sa luha ang mga mata

At puno ng gasgas ang mga tuhod

Pinilit mong tumayo at maglakad muli

At sa kasawiang dinanas, iniwan mo ang nakaraan

Bagaman may konting pasulyap-sulyap sa pinanggalingan

Muli mong binuo ang iyong pagkatao

At sa kalayaang taglay ay muling inipon ang lakas

Humingi ng hininga sa Poong nasa Taas

Nanginginig ang mga binting tumakbo, lumakad

Higit sa lahat muling tumayo

Binaha ng madaming pagsubok

Muling niyurak ang kaluluwa

Nasugatan ang puso

Tagos sa buto

Malayo sa bituka yan

Wag kang umiyak.

Ang pag-asa ay nasa bawat sinag ng araw.

Paano kung madilim?

Masdan mo kung nakikita mo ang iyong anino

May liwanag pa rin.

Nasa sulok

Nag-aantay ng pagkakataon

Kahit mga pagsubok ay may araw at gabi rin

Pati damdamin…

May oras na natutulog

May oras din na gising

May oras na patay lang at walang magawang nakatingin

Sa malayong kinabukasan na pinipilit abutin

Laging alalalahaning ang bawat ngayon

Ay isang bukas na tinatanaw mo noon

Malapit ka na sa finish line,

Nakikita mo na ba ang GOAL?

Kaya’t tibayan ang loob

Pasasaan din at makukumpleto mo rin

Ang basag at durog na piraso ng pagkataong

Pinupulot mo habang naglalakad

Patungo sa bukas.

All rights reserved.

Gawa ni Aki, January 09, 2012

Baliktanaw sa Pagkabata

Isang hiwaga ang namulatan

Nang aking buksan ang kahon

Na naglalaman ng alala

Ng isandaang kahapon.

Isang lata ng gatas na kinalawang

Isang bangkang papel na lukot

Mga tuyong dahon at bulaklak

At kahoy na inamag

Pati na rin ang sipang bulok.

Isang hawak sa lata at aking narinig

Ang halakhakan naming magkakapatid

Sa kalansing ng tumamang tsinelas sa lata

Nawala ang lungkot, sumaya ng bigla

Tumakbo ang kalaro

Tumakbo ang oras

Di ko namalayan, ako ay naglalakad

Pabalik sa oras ng aking kabataan

Kasama ng aking lumang laruan

Sa bangkang papel na lukot-lukot

Nakita ko ang mga luha ng lungkot

Ng oras na umuulan at hindi makalabas

Inaaliw ang sarili sa pagpaanod ng bangka

Sa bawat bangka ay isinulat ang pangarap

Na sana sa paglaki ay aking matupad

At sa bangkang papel na ngayon ay lukot na

Pangarap ko ay natupad ko ba?

Aking naalala matamis na kahapon

Sa paghawak sa mga piraso ng dahon

Ang panahon ng bahay-bahayan

Kung saan uso ang nanay-nanayan

Mayroon din akong tindahan

Lutu-lutuan ang paboritong libangan

At laging sambit ng mga kalaro

Magkano ang ulam na tinitinda mo

At aking isasagot “Bente” at kanyang iaabot

Dalawang pirasong dahon na hinugot

At kinuha sa katabing puno

“Heto na ang ulam, may sukli ka pa”

Sabay abot ng platong may gayat na bulaklak

Kay sarap balikan ang pagkabata

Na ipinatatanaw ng mga dahong tuyo na

Gaano na nga ba ang presyo ng ligaya

Di ba noong tayo ay mga bata

Ang presyo ng ligaya ay

Isang dahon ng mangga?

Kahit matanda na aking babalikan

Ang munting kasiyahang dulot ng mga laruan

Sa mundong unti-unting binago ng agham

Ang lumang laruan ay unti-unting namamaalam

At wala pa ring tatalo sa sayang nadarama

At naalala noong naglalaro pa

Kung paanong kay gaan ng dibdib

Habang malayang tumatakbo,

Malayang sumisigaw

Habang binabato ang lata,

Pinapaanod ang bangka

At ginagayat ang dahon at mga bulaklak,

Ang panahong kasama ng aking mga laruan

Na noong tumanda na ay aking tinalikuran.

——-

Lahok sa Saranggola Blog Awards 3

Ako- Isang Makasariling Tula

ako ay isang makata

na ang puhunan ay salita

kung ano ang nadarama

sa titik at pantig, doon makikita

sinusulat ko ang aking pananaw

sinusulat ko ang aking natatanaw

ang mga pangarap

kabiguan

tagumpay

kasawian

sa bawat sambitin

ay naroon “Ako”

Kahit na sabihin nilang mukhang hindi totoo

Kahit anong mangyari, ang sinusulat ko ay ako

Ako ang sinusulat

Sinusulat ay ako.

Ako ang nababasa.

Ang nagbabasa ay ako.

Ako ang nakarinig,

ako ang nakalasa,

ako ang nakadama

ako ang nag-iisanga makata

ng buhay at sariling dula

aking inilalathala

ang orihinal na akda ng nasa taas

aking sinisiwalat

sa mga pantig, titik, prosa

sa walang katapusang paglalaro ng letra

sa pambobola ng bawat salita

at sa pakikisama ng mga pangungusap

sa mahabang talatang isinigaw ng puso

ako ay isang manunulat

ako ay isang makata at tagasiwalat

ako ang sinusulat

ako ang binabasa

ako ang nakarinig

ako ang nakadama.

Pagkawala

Pagkawala

Parang gumaan ang utak ko

Mula ng umalis ka sa isipan ko

Sana wag nang bumalik ang iyong mga multo

At magparamdam at hukayin ang iyong puntod

Ng alaalang binaon na sa limot

Ng mga pangakong pinako sa pagkabigo.

At parang gumaan din ang aking dibdib

Nang umalis ka sa inokupa mong silid

Sa damdamin kong pinaglaruan lamang

At iniwan ng ganoon- ganoon na lamang.

Ako pa yata ang mayroong utang

Sapagkat naniningil na ang kalungkutan

Sa sayang ipinagkaloob ng panandalian

Kay laki pala ng tubo ng kasawian

At parang gumaan din ang aking mata

Nang kahit anino mo hindi ko na nakikita

At hindi ko na nababasa ang mga mensahe

Na dati ay inaabangan ko pa parati

Ngunit parang bumigat ang luha sa mata

Na patuloy na bumagbagsak ng walang tila

At kahit parang gumaan ang buong loob ko

Bakit tila kay bigat buhatin ng mga paa ko

Nais ko nang tumakas buhat sayo

Kung pwede lamang tumakbo agad ng malayo.

Biglang gaan ng lahat sa iyong pagkawala

Nawalan ng timbang ang damdamin at halaga

Nawala na ang lahat ng aking dinadala

Gumaan ang damdamin

Dahil puso ko ay tangay mo na.

 ———

Tula ni Aki

All rights reserved

Copyright 2011

Sa Paglaya

duguang dinala ang isang bata

pinagsaksaksak ng katotohanan sa baga

labas ang bitukang ninakaw ng mga halang na kaluluwa

At wala ng buhay ang mga matang nawalan ng pag-asa

marungis

lamya na ang mga kamay

at lumalamig na ang paa

ngunit ang puso ay tumitibok

mahinang-mahina

sumisigaw at nagtatangis ang mga magulang

panay ang suntok sa hangin ng kapatid ng pinaslang

himagsikan, sigaw ng karamihan

pero laban kanino, tanong ng isa sa kawan

Pagbabago, sigaw muli ng puno

Pagbabago saan?

Pagbabago nino?

Pagbabago natin, tahimik na sambit

ng inang ang luha ay walang tigil, walang patid

Pagbabago natin,

pagbabago sa sarili..

at lahat ay natahimik,

walang masabi

Isinara ng ina ang mata ng bata

At yapos yapos na dinala sa dagat

Isang sambit ng panalangin ng pagpapalaya

Ang bata’y nawala

ngunit ang hangin ay nagsalita

Mahinang-mahina..

salamat ina..


—-Tula ni Aki

All rights reserved 2011

Si Inang Bayan

Mula simula hangggang sa kasalukuyan

Ay aking nasubaybayan 

Ang iyong makulay at malungkot na kasaysayan

Iba’t ibang kamay na ang humaplos sa iyong pisngi

Iba’t ibang sugat at galos sa bawat maling pag-ibig

Pangitain, tila masamang panaginip

Sa kabila ng laya ay patuloy pa ring nilulupig

Sariling kadugo na ang nagtatakip

Sa bibig na pilit katotohanan ay masambit

Ipinagkanulo’t ipinagtabuyan ng sariling angkan

Niyurak at inapi

Nilinlang ng makasarili

Sumisigaw ang dugo ng mga bayani

Pilit pinatatahimik ng mga ganid

Ang magandang mukha ng isang binibini

Tila isang biyudang walang tigil sa pagtangis

O Inang Bayan, wag mong iyakan

Ang mga anak mong ipinagkanulo ka lang

O Inang Bayan, kaybuti ng kalooban

Sa kabila ng lahat patuloy kang lumalaban

Matatapos ba natin ng maganda ang tagpo

Ng dula na ginawa ng panahon

Sana ay mamulat ang iba mo pang anak

Upang makita ang iyong paghihirap

At ang luhang iyong inalay

Magiging panibagong pag-asa ng buhay.


Pilit

pinipilit kong huwag
gumalaw ang mga kamay
upang isulat ka at idamay sa akda..
paoS na ang tinta sa pagsambit
sa pangalan mo..
Nasusuka na ang papel sa mga 
salitang ukol sayo..
Marahil pagod ka na rin sa pagtakbo sa isipan ko..
Pagod na rin ako sa pagkatok sa puso mo..
Ang isip ay malabo, ang mata ko ay nabubulagan..
Sa bawat tao sa larawan, mukha mo ang nasisinagan..
Ako ay nauuhaw ngunit hindi sa anumang likido..
Sa pangalan mong nababanggit, nabubusog na ako..
At bakit..
bakit..
bakit..
kahit na anong pilit..
na hindi ako mahulog..
sayo pa rin ako naaakit..

Plants Versus Zombies- Isang tula

Ikaw.
Ang taong asa loob ng bahay.
Ang taong pinoprotektahan ng mga halaman.
Ang taong hindi pwedeng makuha ng mga zombies.

Ikaw.
Pwedeng ikaw rin ang sunflower sa bakuran.
Nagbibigay ng liwanag at sunpoints.
Laging andyan sa bawat laban.
Laging handang may ibigay.

Ako?
Ako yung peashooter na tumitira sa mga kalaban mo.
Ako iyong kernel-pult na nagpapabagal sa mabilis mong mundo.
Ako rin ang cherry bomb na nagpapasabog sa mga problema mo.
Pwedenga ko rin ang sunflower mo..
At ako rin ang Sunshroom mo sa gabi..
Ako ang walnut na tagasalo ng mga bala nila sayo.
Ang potato mine na sumasabog kapag inaapakan na ng ibang tao.
Ang squash na handang tapakan ang lahat para mabuhay ka..

At ako?
Hindi ako ang iyong zombie..

Ang zombie mo ay ang iyong kalungkutan..
Ang zombie mo ay iyong mga nakaraang humahabol sayo..
Ang mga zombie mo ay dating problemang lumaki at lumago, parang si zombie Jackson?

Pero hayaan mo na at maging matatag ka lang..
Maraming sunpoints..
Maraming coins..
Maraming diamonds..
Maraming trophies..
Maraming halaman sa zen garden..
Maraming halaman sa bakuran mo ng puso mo..

Isa na roon ay ako..
At hindi ako magiging zombie..

Pinipiga

Pinipiga ko ang utak ko

Para may masabing maganda

Habang iniisip kita

Ngunit wala talaga.

At habang tumatagal akong nakatitig

Nawawalan ng lasa ang mga salita

Tumatabang, pumapait

Binobola ko na lamang ata

Lahat ng sinulat ko para sayo

Na hindi mo naman nabasa

Lahat ng sinulat kong puno ng buhay

Na ngayon eh wala na.

Habang pinipilit kong pigain ang utak ko

Wala na akong maibigay na iba pa

Naisulat na kita sa maraming tula

Naging bida ka na rin sa maraming dula

Pero ngayon nasan na ang tuwa

Ang tamis at inspirasyon na iyong dala?

Naglaho na rin ata tulad ng paglaho mo,

Paglaho mong parang bula,

Bigla-bigla.

Pero lagi kong sinasariwa.

At ngayon, hindi ko na mawari

Kung ano nga ba ang nais kong tukuyin

Kung ano nga ba ang aking nais.

Habang pinpiga ko ang utak ko sa pag-iisip

Pinipiga ko rin ata ang puso ko sa pagkasawi.


People I Follow

  • justharmlessfun
  • smilingxqueen
  • babe-o-holic
  • angrylittleboy
  • pithypoesy
  • conteur
  • crazyjd
  • midnightprague
  • our-paradox
  • gmadriano
  • bonitababyy
  • pinoytumblr
  • princessgleiza
  • silverfyre
  • ramonbautista
  • darlingarmy
  • hearteye121
  • wattpad
  • alittledecadence
  • jeuliette
  • markiern
  • blacksonata
  • seven-heaven
  • mahiwagangthea
  • erikabeybeh
  • hindiakosisuperman
  • musapoetica
  • fuck-yeahpickuplines
  • elrune
  • overdrivekid
  • juuuandmeee
  • animechibi-tan
  • moemoeotaku
  • joyzilicious
  • itsmomochan
  • bartikal
  • raitoame02
  • shailamarie
  • gellicaanne00
  • burnbothends
  • idiosinkratiko
  • zadist
  • andresrizal
  • yourconfabulator
  • pau-chi-pau
  • blueglassmoon
  • mabahongbata
  • tabagotchi
  • layachanx3
  • paperstarsandpinwheels
  • juaning